DPKK Tungo sa Simbahang Nakikipagbuklod, Nakikibahagi at Nagmimisyon
Ang DPKK ay inilunsad ng Diyosesis ng San Pablo na naglalayong maipanumbalik ang sigla at pakikiisa sa pananampalataya ng bawat kasapi ng Simbahan.
Ang Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko ay isang gawain na inilunsad ng Diyosesis ng San Pablo noong 2016 na naglalayong mapalapit, makalapat, at maipanumbalik ang sigla at pakikiisa sa pananampalataya ng bawat kasapi ng Simbahan. Hangarin nito na maabot lalot higit ang mga nasa laylayan, ang mga mahihirap, kasama na ang mga nananamlay sa buhay pananampalataya. Nais din nitong maabot ang mga taong hindi binyagan at maiparating sa kanila ang Mabuting Balita ng Kaligtasan.
Isinasa-alang-alang nito ang apat (4) na mahahalagang bagay na magsisilbing gabay sa mga kilos ng mga kasapi sa gawaing ito:
- Pagtataguyod sa isang Simbahang Nakikipagkapwa sa mga Mahihirap. Ang Simbahan ay binubuo ng mga mananampalatayang sama-samang naglalakbay sa nag-iisang Katawan ng Panginoong Hesu Kristo. Higit na malapit kay Kristo ang mga mahihirap o nasa laylayan ng lipunan na mas nangangailangan ng pagkalinga at pagpapahalaga. Binibigyan halaga at puwang ng DPKK na marinig ang mga tinig ng mga dukha sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanilang tinitirhan o kinaroroonan at paglunsad ng mga gawaing Katekismo at mga programang tutugon sa pagkilala at pagsulong ng kanilang dignidad bilang mga anak ng Diyos.
- Pagkakaroon ng Personal na Relasyon kay Hesus. Nilikha ang tao na sumasalamin sa larawan at katangian ng Panginoon. Ang masusing pag-aaral at pagsasabuhay sa mga turo ni Hesus ay nagdudulot ng personal na relasyon sa Panginoon kung saan tayo ay nagiging tunay na larawan ng kabutihan ng Diyos sa ating kapwa. Hangad ng DPKK na maka ugnayan una ang mga Katolikong Pamilya sa bawat Parokya upang mas mapalalim at mapasigla ang pananampalataya ng bawat myembro ng simbahan bilang tugon sa hamon ng Bagong Ebanghelisasyon.
- Kahalagahan ng Panalangin at mga Sakramento sa buhay Kristiyano. Ang patuloy at walang humpay na pakikipag ugnayan sa Panginoon ay nakakamtam sa sa pamamagitan ng tuwina at marubdob na panalangin. Ang Liturhiya at mga Sakramento ay ipinagkaloob sa ating ng Panginoon upang patuloy nating maramdaman ang nagbibigay-buhay na pagkilos ng Banal na Santatlo sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Binibigyan diin ng DPKK ang kahalagahan ng Eukaristiya bilang āPinagmulan at Tugatog ng Buhay Kristiyanoā, na kung saan ang iba pang mga Sakramento ay nakatuon.
- Pagpapalaganap sa Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay buhay at ito ay nagbibigay buhay. Ito ang pang araw-araw na pagkain ng isang mananamplataya. Ito ang nagbibigay kaliwanagan sa mga talinhaga ng buhay at pag-asa sa harap ng mga sari-saring pagsubok. Natatanging misyon ng isang binyagang Katoliko ang maging bahagi sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita lalot higit sa mga nasa panabi o laylayan.
Kinikilala ng Simbahan ang epektibong pamamaraan ng pakikipag diyalogo upang lalong maunawaan ang nasasaloobin at pinanggagalingan ng mga ibat-ibang kaisipan at kaukulang pagkilos o kawalan nito, sa harap ng mga mahahalagang kaganapan sa buhay Kristiyano. Inaasahan din na sa pamamagitan ng maayos na pakikipag-ugnayan at pakikipag-kapwa ay magkakaroon ng payapa at bukas na pakikipamuhay sa mga taong wala o naiiba ang pananampalataya. Maaaring maging daan din ang DPKK upang mabigyan kaliwanagan ang mga katanungan ng mga hindi kaanib sa Simbahan na nasasakupan ng Parokya tungkol sa pananampalatayang Katoliko.
Ang DPKK ay hindi isang organisasyon na dadagdag pa sa mga napakaraming samahan na nakatalaga na sa bawat parokya. Ito ay isang gawain ng Diyosesis ng San Pablo na naglalayong pukawin at mag ningas muli ang buhay-pananampalataya ng bawat Kapitbahayang Katoliko tulad ng naranasan ng mga apostoles noong Pentekostes.
Ito din ay isang tugon sa panawagan ni Papa Francisco na ālumabas, makipag-ugnayan at makisalamuhaā lalo na sa mga nanamlay ang pananamplataya at sa mga panabi o laylayan ng lipunan upang maramdaman ng mga ito ang pagpapahalaga at pagkalinga ng Inang Simbahan at mapag-ampong Awa ng Diyos.
Tunay na napapanahon ang gawain ng DPKK kasabay ng pagbubukas ng Santo Papa ng Sinodo para sa buong Simbahan noong Oktubre 2, 2021 upang isulong ang pagbabahaginan, pagninilay at malayang talakayan tungo sa isang masigla at sama-samang pagsasabuhay ng ating pananampalataya.
Ang katagumpayan ng gawaing ito ay nakasalalay sa aktibong pakiki-isa ng mga Pari, Relihiyoso at mga Layko. Sa pamumuno ng Lubhang Kagalang-galang na Obispo ng Diyosesis ng San Pablo Buenaventura M. Famadico at sa tulong at gabay ng Espiritu Santo, inaasahan na ang sama-samang mapag-kalingang paglalakbay ng Sambayanang Kristiyano sa Diyosesis ng San Pablo sa pamamagitan ng DPKK ay magdudulot ng pagkaka-unawaan at pagkaka-isa sa natatanging mithiin na maipalaganap ang Mabuting Balita ng Kaligtasan.