Si Mama Mary at ang DPKK
Sa buhay ni Mama Mary, naganap ang isang mahalagang “Pagdalaw” na naging bahagi ng mga misteryo ng ating kaligtasan.
Ang pagkakaroon ng programang BEC (Basic Ecclesial Communities) sa ating Diyosesis na ang tawag ay “Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko” (DPKK) ay isang natatanging pagpapala na dapat ipagpasalamat ng ating Diyosesis sa Diyos. Anumang gawain na nag-uugnay sa mga Kristiyano patungo sa Diyos ay tunay na ayon sa kalooban ni Hesus, na walang ibang hangarin para sa Kanyang mga Apostol kundi “silang lahat ay maging isa gaya natin,” katulad ng Kanyang panalangin sa Ama (Jn 21:17).
Ito ang layunin ng Dalaw Patron: pag-isahin ang mga pamilya sa tulong ng panalangin at pagninilay ng Salita ng Diyos upang sila sa kanilang pagkakaisa ay maging mga “disipulong nagmimisyon” (missionary disciples). Ang katagang “Dalaw Patron” ay tumutukoy sa pagdadala ng imahen ng Patron ng Parokya o ng Diyosesis sa mga tahanan bilang panimula ng banal na pagtitipon ng mag-anak sa tahanan. Ang kaisipang ito ng “pagdalaw” ang pagmumulan ng aking pagninilay tungkol sa kaugnayan ni Mariang ating Ina sa DPKK.
Sa buhay ni Maria, naganap din ang isang mahalagang “Pagdalaw” na naging bahagi ng mga misteryo ng ating kaligtasan. Ito ay walang iba kundi ang Ikalawang Misteryo ng Tuwa ng Santo Rosaryo, ang “Pagdalaw ni Maria sa Kanyang Pinsang si Isabel.” Tinatawag ang pangyayaring ito bilang “Misteryo,” hindi sapagkat hindi puwedeng maunawaan at taliwas sa tamang pangangatuwiran, kundi sapagkat ito’y sobrang malalim sa katotohanan kung kaya’t ito’y pagbubuhatan ng walang katapusang pagninilay para sa ating buhay pananampalataya. At ito nga ang pagdalaw ni Sta. Maria kay Sta. Isabel. Ang tanong ay: Bakit siya dumalaw sa kanyang pinsan, lalo’t siya man din ay nagdadalang-tao na at maselang ang kanyang kalagayan? Bukod dito, malayo ang distansya ng Nazaret sa bayan nina Zacarias at Isabel, mga dalawa o tatlong araw na biyahe noong panahong iyon. Tingnan natin ang mga dahilan kung bakit dumadalaw ang isang tao sa kanyang kapwa.
Ang isang malalim na dahilan ay sapagkat tayong mga tao ay nilikha ng Diyos na may angking pangangailangan na makipag-ugnayan sa ating kapuwa. Gaya nga ng sinabi ng Diyos sa aklat ng Genesis, “Hindi mainam na mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya” (Gen 2:18). Ito ang naging karanasan ni Maria. Ang balita ng angel Gabriel sa kanya ay isang di kapanipaniwalang balita: siya ang nahirang ng Diyos na maging ina ng pinakahihintay na Mesias!
Ang isang magandang balita, kapag ito ay dumarating sa atin, ay hindi natin kayang tiisin na sarilinin: nais nating ibahagi ito sa iba, upang maranasan din nila ang ating kagalakan. Ang magandang balitang tinanggap ni Maria ay hindi niya basta lang maibabalita sa kahit sinuman; ito ay nakalaan para sa kanya. Subalit nang ibalita sa kanya ng anghel na nagdadalang-tao na rin ang kanyang mas nakatatandang pinsan, natanto ni Maria na si Elizabet din ay bahagi ng himala at hiwagang nangyari sa kanya. Nakita niyang may kaugnayan ang pagdadalang-tao niya kay Hesus at ang pagdadalang-tao ng kanyang pinsan kay Juan Bautista. Ito ay hudyat mula sa Panginoon na maaari niyang maibalita din kay Elizabet ang nangyari sa kanya.
Ang sabi ng Ebanghelyo, “dali-daling pumunta [si Maria] sa isang bayan sa kabundukan ng Judea. Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet at malakas niyang sinabi, ‘Higit kang pinagpala sa lahat ng babae, at pinagpala rin Niya ang magiging anak mo! Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon.” (Lk1:39-42).
Hindi iba’t ito din ang nangyayari tuwing nagkakaroon ng Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko? Bunga ng malaking kagalakan ng Simbahan sa magandang balitang si Hesus ang kasagutan sa lahat ng katanungan ng sangkatauhan, hindi siya tumitigil na ipangalat at ipamalita sa mundo ang katotohanan tungkol kay Hesus. Sa “pagdalaw” ng Patron sa mga pamilya at sa pagtitipon nito bilang isang angkan na nakikinig at nagninilay sa Salita ng Diyos, nauulit ang naging karanasan nina Maria at Elizabet.
Si Maria ay puspos ng kagalakan habang dala-dala niya si Hesus sa kanyang sinapupunan. Si Elizabet na dinalaw ni Maria ay napuspos ng Espiritu Santo bunga ng pagdating at pagdalaw ni Maria, at siya at ang kanyang asawang si Zacarias ay nabiyayaan ng presensya ng babaeng “napupuno ng grasya” at “pinagpala sa babaeng lahat.”
Ang gawain ng DPKK ay maging okasyon din nawa ng pagdaloy ng biyaya at pagpapala sa mga pamilyang nagsasagawa nito. Si Maria ang nagsisilbing gabay ng bawat tahanan para mapalapit ang mga pamilya kay Hesus, katulad ng naging karanasan nila ni Jose sa tahanan ng Nazaret habang kasa-kasama pa nila si Hesus. Bilang ina, si Mama Mary nawa ay maging inspirasyon upang sa pagdalaw ng Patron sa pamilya, matanggap at maranasan ng pamilya at ang kanilang tahananang pagpapalang hatid ni Hesus, ang “dumalaw” at “bumisita” sa sangkatauhan bilang tao upang ipahatid ang walang-hanggang pag-ibig at kaligtasan ng Diyos. Si Hesus na dala-dala ni Maria ang tunay na nagpapadama at nagpapakilala sa atin na ang Diyos ay kagandahang-loob, Siya ang mukha ng Pag-ibig ng Ama. Kahit hindi na nating tahasan nakikita si Hesus, buháy na buháy pa rin siya sa ating mga puso at isipan. Patuloy pa rin Niyang ipinadarama ang pagmamalasakit ng Diyos sa atin. Ito ay naisasagawa ni Hesus sa pamamatnubay at presensya ng Banal na Espiritu at sa pagtulong ng panalangin ng Kanyang Inang si Maria.